Full transcript: Pres Aquino’s speech at the Philippine Press Institute’s 16th National Press Forum this afternoon

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa Philippine Press Institute’s 16th National Press Forum

[Inihayag sa Traders Hotel, Lungsod ng Pasay noong ika-23 ng Abril 2012]

Magandang hapon po. Maupo po tayong lahat.

Secretary Sonny Coloma; Manong Jake Macasaet; Mr. Vergel Santos; Mr. Ruevivar Reyes; Mr. Ariel Sebellino; Ms. Elnora Cueto; Attorney Jess Dureza; Mr. Rogelio Salazar; Mr. Al Pedroche; Sandy Prieto; Mr. Herman Basbano, at palagay ko may magagalit ho sa akin na hindi nailista dito, pasensya na po kayo [laughter]; publishers, editors, and members of the Philippine Press Institute; journalism educators and students; fellow workers in government; honored guests; ladies and gentlemen, and with due apologies to the foreigners present—I really feel awkward to talk in English when I’m addressing the Philippine Press Institute.

So with due apologies, may I converse in our language?

Nasa alaala ko pa po ang kuwento ng mga Pilipinong alimango. Siguro po narinig na ito ng ilan sa inyo, lalo na po iyong mga lumampas nang limang dekada na po dito sa mundo [laughter]. Ayon po sa kuwento, narinig ko po sa aking ama, sa loob daw po ng isang bar, umiinom ang isang Amerikano. Pumasok ang isang mangingisdang Pilipino na may dalang timba na puno ng alimango. Ibinaba niya ito, at ang sabi po ng Amerikano: “Buddy, your crabs are about to escape.” Tiningnan lang po ng Pilipino. Ang sagot ng Pilipino, “Don’t bother and don’t fret; they’re Filipino crabs. Before they get out, they’ll be pulled back in.” [Laughter] Walang raw pong makakaangat, kasi lahat sila naghahatakan pababa. Habang pinipilit ng ilang kababayan nating makaahon, siya namang sipag ng ilan na hilain siyang pababa.

Bata pa po ako noong una kong narinig ang kuwentong iyan. Ano na po ba ang nagbago mula noon, at ano na ang mga nanatili? Ang mga estudyante kaya ngayon, pinagbabasa pa rin ng diyaryo sa klase? Kami po dati, grade school pa lang—grade 4 kung hindi ako nagkakamali—ay inatasan na magbasa ng mga pahayagan araw-araw. At mayroon pong biglaang recitation; mayroon pa hong test. Current events raw po sa Araling Panlipunan. Dati talagang tinututukan at pinapasubaybayan ang mga pangyayari sa lipunan. Diyaryo po ang basehan namin ng kaalaman; bihirang-bihira po kaming makakita ng maling spelling, maling grammar, at mas lalo pong bihira ang maling datos o detalye. Malinaw po ang pagkakaiba ng op-ed, at ng balitang mga totoong kaganapan lang ang nilalaman, tulad po ng mga opinion po ni Manong Jake na tinatalakay po iyong mga maiinit na paksa na sinasagot po ang mga isyu at hindi ho sumasagot ng sagot ng ibang tanong.

Dumating nga po ang Batas Militar, at mistulang naging human tape recorder ang lahat; binusalan po ng diktaturya ang malayang pahayagan. Naibalik po ang kalayaan noong 1986. Angkop din po sigurong itanong kung napanatili din natin ang mga haliging sandigan ng inyong institusyon: kredibilidad at integridad, patas na pagtitimbang sa situwasyon, at katapatan sa mga datos at detalye.

Nasaan na po ba tayo ngayon? Nandiyan pa po kaya ang prinsipyo ng “get it first, but get it right,” o napalitan na ito ng “get it first, siguruhin na bebenta ang storya, at kung hindi tama ang impormasyon, mag-sorry ka na lang.” [Laughter]

Bibigyan ko kayo ng ilang halimbawa: Kamakailan lamang po, alam po nating lahat bumisita ang Emir ng Qatar sa ating bansa. Mayroon pong isang artikulo, ibinalita po, at sa pamagat pa lamang, nakalagay po “Qatar’s Emir cuts short state visit.” Ulitin ko po, “Qatar’s Emir cuts short state visit.” Tila ba nagtatanim na ng duda. At kapag naman binasa mo ang artikulo, para bang ang mensahe ay “hindi nagkita ang Pangulo at ang Emir, pero matagumpay ang kanilang bilateral meeting.” Medyo magulo ho yata iyon, ano? Hindi sila nagtagpo, nagkaroon ng kasunduan at nagkapirmahan nitong mga kasunduang mga ito at maraming natalakay ng kanilang mga anino siguro. Ang nakakapagtaka pa, ibinalita rin naman nila ang mga pinirmahang kasunduan, at may mga litrato at video pa noong nag-cover sila sa pagpupulong na ito—o sa dalawang pagpupulong sa pagdating ng Emir at sa pag-alis ni Emir—pero parang sinadya na palabuin ang balita. Kayo nga po ang tanungin ko: Anong silbi na pagdudahin ang publiko kung malinaw naman pala na may nangyaring pagpupulong?

Painom lang ho sandali ng tubig. Baka may mga umiinit ho ang pakiramdam diyan. [Laughter]

‘Yung may mga Twitter accounts po sa inyo, baka nabalitaan din na may nakakita daw po sa atin nakikipag-date sa Greenhills. [Laughter] Malinaw na naman po na hindi ito totoo—ngunit muli, nagawa na ang pagtatanim ng duda bago pa ang paglilinaw, pagtatama, at pagsiguro sa katotohanan ng balita. Nakakalungkot po na natabunan nito ang mabuting balita na sana’y nakapagpaangat ng loob ng mga Pilipino. Kasi nga po, noon mismong mga panahon na iyon, mula alas-diyes ng umaga hanggang alas-kuwatro ng hapon ay ka-miting ko ang NEDA board upang magsuri at mag-apruba ng mga proyekto. Labindalawang proyekto po—kabilang na ang pagkukumpuni sa Baler-Casiguran road na laging—hindi, mali po ito, ano—paggagawa ‘nung Baler-Casiguran road kapalit ng ating dinadaanan ngayon na parating nasasara tuwing umuulan. One hundred thirty-three billion pesos po ang suma total ng pera ng kaban ng bayan na mapupunta sa mga proyektong makakapagpaginhawa sa buhay ng kapwa natin Pilipino. Ulitin ko po, P133 billion na kailangan ko pong panagutan sa taong bayan kung tama o hindi tama ang pagkagugol. Kaya po inabot kami ng alas-diyes hanggang alas-kuwatro ng hapon na ito po ‘yung huling proseso na sa mga prosesong bumabalot sa NEDA.

Pero ano ba ang umugong sa media? Na nakipag-date daw ako. May nagkusa man lang po bang kumuha ng panig namin bago ito inere? Ang network pong nagbalita nito, may reporter na bahagi ng Malacañang Press Corps. Sana na-text man lang nila ang kanilang reporter at pinatignan at inutusang dumungaw sa bintana para tingnan kung umalis ba ang aking convoy. Kung hindi naman po, sa kabilang bintana, puwede namang tignan kung nandoon ang mga sasakyan ng mga secretary ng ating gabinete. Mukhang mas ganado silang bumanat muna, at noong nalaman nilang nakuryente sila, saka na lang sila humingi ng pasensya. May patutsada pang siguro raw ay magaan ang trabaho noong araw na iyon kaya kaya kong mag-date.

Kayo po lumagay sa sitwasyon ko. Napakahirap ho ba n’ong may reporter kang embedded, nandoon supposed to be, tatanungin mo lang, “Nandiyan ba o wala?” Hindi na pwedeng, o hindi na kailangang tanungin—basta “ere na natin ito.” Nasaan na kaya iyong kunin ang magkabilang panig?

Natawa na nga lang po ako nang mabasa ko ang dalawang banyagang pahayagan; tila po ba sila pa ang mas tumatanaw sa interes natin. Sa Newsweek po, may column na pinupuri ang paninindigan natin para sa ating teritoryo laban sa China. Kayo na po ang magbasa ng caption, dahil baka mabansagan akong bastos kapag ginamit ko ho ang napaka-graphic nilang paglalarawan sa tapang ng Pilipino. Sa Time magazine naman po, isang litrato… Ito po iyong cover. [Shows the cover of Time magazine] Sa loob po, ang title “Hitting the Brick Wall.” Isang litrato ng Pilipinas ang lumabas. Ang caption, “The laggard of Asia is recovering the dynamism it had in the 1960s.”

Uulitin ko po, hindi mga Pilipino ang nagsulat nito. Kalabisan po bang isipin na ang Pilipino rin ay dapat kumakalinga at tumatanaw sa interes ng Pilipinas? Isa pa pong halimbawa: Tayo lang yata ang kaisa-isang bansa sa mundo na nagbabalandra ng mga negatibong travel advisory sa sariling mga pahayagan ng mga banyagang pamahalaan. Ang paglabas ng ganitong mga babala ay nakasalalay sa persepsyon ng kanilang ambahador na naninirahan dito sa Pilipinas; isa sa pinanggagalingan ng kaniyang opinyon ay ang mga balitang nakakalap niya mula sa diyaryo at telebisyon. Pero dahil nga sa negatibismo sa pagbibigay-balita, at sa walang puknat na pagwawagayway sa ating travel advisories, o mga travel advisories na laban sa atin, kahit pa wala namang direktang banta sa Pilipinas, palaging kinukwestyon ng ibang mga bansa kung ligtas nga ba silang magtungo sa atin.
Isipin lang po natin ang epekto nito. May kakilala po akong sana’y dadalaw sa ating bansa. Pero siya mismo nagdalawang-isip na umuwi, dahil wala na raw siyang nabasa at nakita sa mga channels na kumo-cover sa ating bayan kundi karahasan at krimen. Paano pa po kaya ang mga banyagang turista, na tinatayang gagastos, bawat isa, ng isanlibong dolyar sa bawat pagbisita niya sa Pilipinas, na manganganak naman ng trabaho at kabuhayan sa ating mga kababayan?

Alam po n’yo, tsineck [check] po ng ating Communications Office, isang diyaryo lang sinuri nila—crime stories raw po in one month, 130 plus. Parang apat na istorya yata ‘yon kada araw—tama ho ba ‘yong math ko? Siyempre, ‘pag iyon lang ang nababasa n’yo, aba, talaga yatang magulong magulo diyan.

Mantakin po ninyo: Noong Pebrero, mahigit 411,000 ang turistang dumalaw sa ating bansa. Unang beses pong nangyari sa kasaysayan na umabot tayo sa 400,000 na turista. Kung iko-compute po natin, kung manatili sa ganyang bilang ang bisita kada buwan, papalo po ng mahigit 4.8 million tourists ang dadalaw ngayong taon. At ang sabi po ng mga dalubhasa, karamihan ng turista natin dumarating sa second half of the year. So iyong 411,000 ngayon baka maliit na po iyan. Halos kalahati na po iyan ng target nating sampung million na turista bago ako bumaba sa puwesto sa 2016. Isipin na lang po natin kung gaano natin kabilis maaabot ang target na iyan kung mas mangingibabaw ang balensadong balita tungkol sa Pilipinas, kaysa uunahin ang negatibismo?

Naaalala rin po ninyo siguro kung paano hinakot ng mga report ukol sa carnapping ang mga headline noong nakaraang taon. Nito pong isang linggo, na-convict si Raymond Dominguez na pinuno ng carnapping syndicate. Nadesisyunan ang kaso sa loob ng isang taon at apat na buwan; ang hatol: labimpito hanggang tatlumpung taon ng pagkakakulong. Ayon din po sa istadistika ng ating kapulisan, bumaba ng 59.4 percent ang insidente ng carnapping sa taong 2011.

Punto ko lang ho dito, noong may na-carnap, kasama ‘tong Dominguez, talaga naman pong pagkahaba-habang nasa headline. Noong nagtagumpay ang katarungan, sinakdal at nasintensyahan sa loob lamang ng isang taon—ang average natin po kasi [ay] six years eh. Medyo naipasok naman sa front page sa ilalim. [Laughter] Pero malaking bagay na po ‘yon dahil iyong iba po ‘di na nabanggit, iyong iba nasa gitna. Pero kung may pangit, balensado natin, nagtagumpay ang katarungan. Hindi naman ho siguro kasalanan siguro iyon.

May nagsabi po bang, “ang galing ng mga pulis natin; ang galing ng mga prosecutor natin?” Nagpapasalamat nga po ako at nabitbit na sa ating mga pahayagan ang kaso ni Dominguez; ‘yun nga lang, ulitin ko lang po, ‘yung krimen niya noong nakaraang taon, inilathala above the fold. Itong conviction niya, below the fold. Buti naman within the paper pa. [Laughter]

Alalahanin po natin, magkatambal po ang ating mga tungkulin: Kami, bilang nasa gobyerno, at kayo, bilang tagapaghatid ng katotohanan. Ang pagtupad sa tungkuling natutuhan na po nating hilingin sa gobyerno ay siya rin sanang pagtupad sa tungkuling puwede nating asahan mula sa lahat: katapatan sa katotohanan, pantay na pagsusuri, at pagtutok sa kung ano ang makabubuti sa taumbayan.

Hindi ko naman po hinihiling na mag-imbento kayo ng kuwentong-kutsero upang pabanguhin ang gobyerno. Pero kung ibabalanse po natin, at iisipin na ang bawat salita ay nakakaapekto sa buhay ng kapwa natin Pilipino, tiyak ko po na mas madali nating maaabot ang kolektibo nating mithiin para sa bayan.

Naniniwala po akong iisa ang bangkang sinasakyan ng bawat Pilipino, at lahat ng Pilipino ay may tungkuling makisagwan upang maabot natin ang ating mga pangarap. ‘Di po ba’t kung buo ang suporta ng bawat Pilipino sa Panatag Shoal, ay panatag din nating maititimon ang ating bansa sa harap ng anumang daluyong na maaari pang dumating?

Diretsahan po akong nagsasalita sa pagtitipong ito dahil umaasa rin ako sa diretsahang pakikiisa ninyo upang matugunan ang isyung ito. Nakita na po natin ang mabuting maidudulot ng pakikipagtulungan. Hindi po ba napakaganda ng paghahandang nangyayari nang lumabas ang mga babala ukol sa tsunami, dahil katuwang ng gobyerno ang media sa pagpapaalam sa madla ng dapat gawin upang makaiwas sa pinsala? Hindi po ba napakabuti ng naidulot na pag-angat ng morale ng taumbayan dahil sa mga PCIJ report ukol sa tapat at malinis na mga proyekto ng DPWH, o ng mga ulat tungkol sa pag-angat ng ekonomiya ng ating bansa?

Kung magpupunla po tayo ng pagdududa, paghihirap ang dulot nito. Ngunit kung pag-asa ang ating itatanim, kasaganahan naman ang ating aanihin. Sa inyong pagpupursigi na maabot ang pinakamataas na antas ng propesyunalismo, integridad, at kredibilidad sa larangan ng pamamahayag, naniniwala akong maiaangat ang uri at antas ng ating demokrasya kung sa gitna ng nagtutunggaling boses at opinyon, may mahubog tayong isang Pilipinas na may mas matibay na lipunan, mas nagkakaisang tinig, at mas positibong sambayanan.

Ulitin ko po, palagay ko sana pag-isipan po natin ang ating mga nabitawang mga salita ngayon. Palagay ko ho hindi krimen; balansehin natin ang nasasabi natin sa taongbayan.

Magandang hapon po. Maraming salamat sa lahat. 🙄

Advertisements
Comments are closed.